TULOY ANG PAGYUKO, WALANG SUSUKO
- Rose Anne .Virtuso
- Sep 8, 2021
- 2 min read
“Magtanim ay di biro, maghapong nakayuko…” isang awitin ng Bulilit Singers na simula Elementarya pa lamang ay tinuturo na sa atin. Masaya ang tono kung ito’y aawitin ngunit kung iintindihin ang liriko ng kanta, mapapasabi kang “nakakawang mga magsasaka”. Buwan ng Pebrero taon sa ngayon, nilagdaan ang Rice Tarrification Law ito ay ang pagbibigay permiso na mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa basta’t nakapagbabayad ng 35% na taripa. Maganda ang layunin ng batas na ito lalo na sa mga konsyumer dahil sa mababang presyo ng bigas, sa kabilang banda ay Malaki ang magiging epekto nito sa ating mga magsasaka. Dehado sila, Malaki ang pinuhunan sa palay ngunit kulang ang kita, kaawa-awang magsasakang Pilipino.
Ayon kay Senador Francis Pangilinan, sa bawat pisong pagbaba sa kada kilo ng palay ay halos dalawampung bilyong piso ang nawawala sa bulsa ng ating mga magsasaka. Tama nga naman, dahil sa Rice Tarrification Law lubos ang pagkalugi ng mga magsasaka, ang iba pa nga ay iniisip ng tuluyang talikuran ang pagtatanim dahil wala naman silang kinikita. Isang batas na tila ba nilagdaan para sabihin sa mga magsasaka na “hanggang diyan ka nalang”, walang pag-usbong sa estado ng kanilang mga buhay. Lagi nating sinasabi na dapat pasalamatan at pahalagahan an gating mga Pilipinong magsasaka dahil kung hindi sa kanila ay wala tayong lulutuin para maging kanin ngunit bakit noong ipinatupad ang batas ukol sa bigas ay natuwa tayo? Paano naman ang dapat pinapahalagahan natin na ngayon ay namomoroblema dahil sa batas na iyan. Wala ng magawa ang ating mga magsasaka kundi ibagsak presyo ang palay na kanilang binebenta para lamang magkaroon ng pera, labag man sa loob ay kailangan nila itong mabenta na para bang pinamimigay nalang nila.
Para sa mga Pilipino, “Rice is Life” walang araw na hindi kumukunsumo ang ating mga kalamnan ng bigas. Tayong mga konsyumer ay busog ngunit ang mga prodyuser kumakain pa ba ng tatlong beses kada araw? Sakit sa likod sa bawat pagbinhi, bawat pagtulo ng pawis sa tapat ng nagbabagang sikat ng araw at pamamanhid ng katawan, iyan ay ilan lamang sa nararamdaman ng ating magsasaka sa araw-araw at nagpadagdag sakit pa ng ulo ang pinatupad na batas. Rally doon, rally dito ngunit nakikinig ba ang gobyerno? Mga tainga nila’y nakatupi at hinahayaang ang bawat boses ng hinaing ng ating magsasaka ay mawalan ng kwenta. Tulad ng hindi nila pagsuko sa bawat pagyuko, bilang kapwa Pilipino hhuwag nating hayaan na ang bigas-dayuhan ang manatili at ang sariling atin ay mawala at maglaho nalang bigla.
Comments