BATAS RIZAL, MAY HALAGA PA NGA BA?
- Rose Anne .Virtuso
- Jul 22, 2022
- 2 min read
Consummatum Est! na ang kahulugan ay Natapos na, ito ang huling kataga na sinambit ng ating bayani na si Dr. Jose Rizal bago sya barilin at ibitay. Ang kanyang buhay ay natapos na ngunit ito ay napalitan ng kalayaan para sa Pilipinas at nagpatuloy parin hanggang ngayon ang kanyang mga aral na iniwan sa atin. Upang lubos nating mapanatili ang pagiging makabayan at maalala ang kanyang kabayanihang ipinamalas sa pamamagitan ng tinta at papel, isinabatas ng pamahalaang Ramon Magsaysay noong Hunyo 12, 1956 ang Republic Act No. 1425. Ang batas na ito ay naglalayon na aralin at isama sa kurikulum sa lahat ng paaralan, sa kolehiyo at unibersidad ang buhay ni Jose Rizal sa pamamagitan ng kanyang mga akda. Ngunit ang batas ba na ito o ang pag aaral ng buhay ng ating bayani na si Jose Rizal ay naikintal natin sa ating mga puso at isipan?
Sa panahon ngayon na halos umiikot na sa social media at internet ang mga tao, madalang o halos wala ka ng makitang nagdidiskusyon ukol sa ating bayani na si Jose Rizal, meron ka mang makita na tungkol sakanya sa ating mga newsfeed sa social media ay halos mga memes pa ang iba nito. Ginagawa na lamang katatawanan ang ating bayani ngunit kapag tinanong mo ang mga ito kung sino ba si Jose Rizal at ano ang mga nagawa nito ay wala na silang masabi. Kaya naman ang Batas Rizal ay isang ginhawa at nagkaroon ng ganitong batas sa paaralan, dahil sa paksa na ito ay lalo nating makikilala ang ating bayani at ang mga estudyante na nagkaroon ng kaalaman patungkol dito ay maaaring maging daan para ipalinang sa ibang tao kung ano ang nasyonalismo. “Kabataan ang pag-asa ng bayan” ani nga ni Dr. Jose Rizal, bilang estudyante at kabataan, sa pamamagitan ng Batas Rizal ay kailangan na muli nating buhayin ang nasyonalismo, sa ating mga kabataan magsisimula ang panibagong panahon na mayroong pagmamahal sa lupang sinilangan. Sa tulong ng batas na ito ay mapapaalala nito ang kabayanihan ni Jose Rizal at mapapagtanto natin ang pagmamahal sa ating sariling bayan o bansa. Bilang isang estudyante sa kurso ng pamamamahayag, ang pag-aaral ng buhay ni Rizal at ng kanyang mga nagawang akda ay maaaring maging inspirasyon para sa akin. Ang pagiging estudyante ng Journalism ay halos umiikot sa pagsusulat, ang mga akda ni Rizal ay maaari kong maging inspirasyon o batayan kung paano ang aking magiging istilo sa pagsusulat ng aking sariling akda. Ang pagiging mamamahayag ay isang serbisyong pampubliko kaya naman ang buhay ni Rizal ay magiging isa sa daan upang malinang ang aking pagkamamamayan at malinang ang ang kagandahang-asal sa pagbibigay balita sa bayan.
Ang Batas Rizal ay hindi lamang natatapos sa isang asignatura , ito ay karapat-dapat na isabuhay natin. Pinag-aralan para lamang makapasa at magkaroon ng grado? Ito ay dapat ipinagpapatuloy at bitbit natin sa pang araw-araw na mayroong bayani na nagsakripisyo para lamang tayo ay may matiwasay na buhay ngayon. Ang mga akda ni Rizal ay pang habambuhay nating maalala at ang importansya nito, ito ang magiging susi natin kung ano nga ba ang nasyonalismo at kung paano natin mas mapapahalagahan ang ating bayan na kinagisnan.
Comments